MANILA, Philippines - Patuloy na isinusulong ni QC Vice Mayor Joy Belmonte ang pagpapalakas sa environmental laws sa lungsod upang matiyak na nakapagbibigay ito ng tamang serbisyo sa mga tao sa kasalukuyang panahon.
Bunga nito, patuloy ang pagpapatupad ni Belmonte ng public consultation sa mga barangay officials, pamunuan ng City Development council, mga may-ari ng malls, hotels, inns, shopping center, grocery stores, slaughterhouses, junkshops, bars, restaurants, hospitals, clinics, spa at iba pa upang magsama-samang tugunan ang mga pangangailangan ng bawat isa para sa isang mapayapa at malinis na lunsod.
Nabatid na inatasan ni QC Mayor Herbert Bautista si Belmonte, chairperson ng Technical Working Group (TWG) na pangunahan ang pagbusisi sa kasalukuyang batas kapaligiran kasama ang QC Health Dept., Bldg. officials, QC Environment Office at City Council para makagawa ng isang local measure na magko-consolidate at titiyak sa dagdag na probisyon hinggil sa pagpapalakas sa Environmental laws sa lunsod na tatawaging QC Environment Code.
Hanggang sa Agosto ng taong ito inaasahan ni Belmonte na matatapos ang public consultation at hangad na maipatutupad ang QC environment Code bago sumapit ang ika-75th Jubillee ng QC sa Oktubre 2014.
Bubusisiin din ang usapin ng pagtataas sa penalty sa mga taong ugat ng pagdumi ng kapaligiran tulad ng mga gusali, establisimiyento at mga residente na ‘di tumutupad sa naturang batas sanhi ng mga pagbaha sa lungsod.
Mahigpit ding ipinatutupad ang total ban sa paggamit ng plastic sa mga malls at mga establisimiento.