Tinedyer binoga ng tanod, grabe
MANILA, Philippines - Isang 16-anyos na binatilyo ang nasa kritikal na kondisyon nang barilin ng isang tanod nang pumalag habang inaaresto sa ginawang pamamaril kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.
Inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa tiyan ang biktimang si Yiro Bonita, nakatira sa Phase 2, Barangay North Bay Boulevard South ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Pancho Villa, nasa hustong gulang, tanod sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng Navotas City Police, naganap ang insidente ala-1:00 ng madaling-araw sa Martiniko St., Brgy. NBBS ng naturang lungsod.
Nabatid na namaril ang biktima sa hindi pa nakikilalang kaaway nito at nalaman ito ng mga tanod na agad na rumesponde kasama si Villa.
Nadatnan ng mga tanod ang biktima, subalit nang pumalag sa tangkang pa-aresto ay pinaputukan umano ng nasabing tanod.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek, samantalang ang biktima ay dinala ng mga kaanak sa naturang pagamutan.
Base sa rekord ng pulisya, may standing warrant of arrest si Bonita na ipinalabas ni Judge Emmanuel Laurea ng RTC Branch 169 sa hindi binanggit na kaso.
- Latest