MANILA, Philippines - Isang 11-anyos na batang lalaki ang inoobserbahan sa ospital matapos na tamaan ng ligaw na bala habang nanonood ng telebisyon ang una sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Ospital ng Malabon sanhi ng tama ng bala sa kaliwang balikat ang biktimang si Jenn Edmar Santos, taga C. Santos St., Barangay Niugan ng naturang lungsod.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Malabon City Police kung sino ang taong responsable sa pamamaril.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya naganap ang insidente ng alas-9:15 ng gabi habang abala sa panonood ng programa sa telebisyon ang biktima sa loob ng kanilang tahanan.
Biglang nakaramdam ng kirot ang bata sa kanyang balikat. Nang tingnan ng kanyang pamilya ay umaagos ang dugo sa balikat ng bata. Dahil dito, mabilis na isinugod sa ospital ang bata at dito napag-alamang may tama ng bala ang bata.
Lumalabas na tumagos sa kanilang bubungan ng bahay ang bala at tumama sa inosenteng bata.