MANILA, Philippines - Tatlong araw na ipapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang truck ban sa dalawang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) simula ngayong Sabado (July 26) hanggang Lunes (July 28) upang bigyang daan ang pagdiriwang ng ika-100 taon ng Iglesia Ni Cristo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ayon sa LTFRB, apektado sa truck ban ang mga trucks for hire na dumadaan sa NLEX sa pagitan ng Balintawak toll gate at Angeles City, gayundin sa MacArthur Highway, Cagayan Valley Road mula sa Sta. Rita exit at sa lahat ng provincial roads sa Bulacan na gagamiting parking areas.
Hindi naman kasali sa ban ang mga truck na may kargang mga produktong nabubulok tulad ng mga isda, gulay at prutas na mula sa norte para dalhin sa Metro Manila at vice versa.
Una rito, pinaalalahanan ng pamunuan ng NLEX ang mga motorista na makakaranas ng heavy traffic ngayong weekend dahil sa dami ng mga sasakyan at mga miyembro ng INC na makikiisa sa centennial celebration.