MANILA, Philippines - Nalambat na ng Quezon City Police District ang isang lalaki na kabilang sa most wanted person matapos ang isinagawang pagsalakay sa kanyang lungga sa Manila.
Ayon kay QCPD director Police Chief Supt. Richard Albano, ang suspek ay kinilalang si Emiliano Calisa, 51, alyas Bangkay at Longhair ng Baseco compound, Port Area, Manila.
Sabi ni Albano, si Calisa ay itinuring na No. 2 sa listahan ng most wanted person sa lungsod dahil sa mga kasong murder at frustrated murder na kinasasangkutan nito.
Nadakip si Calisa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Bernelito R. Fernandez ng QC-RTC branch 97 dahil sa nasabing mga kaso. Ang kasong murder ay walang piyansa habang P200,000 bail naman ang inirekomenda para sa frustrated murder
Ayon sa ulat, ganap na alas 7:30 ng gabi nang madakip ng mga operatiba ang suspek sa may kahabaan ng CM Recto St., Divisoria, Tondo Manila. Si Calisa ay kinasuhan noong October 2011 kasama ang isang Reynaldo Canciller na nauna nang nadakip ng CIDU operatives noong March 2014. Si Canciller ay nasa ika-8 sa most wanted person ng Palo, Leyte.