MANILA, Philippines - Isang 35-anyos na empleyado ng kilalang hotel sa Pasay City ang pinaniniwalaang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili, dahil sa nararanasang sakit na colon cancer sa loob ng kaniyang inookupahang silid, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa Manila Doctor’s Hospital subalit idineklara ring dead on arrival dakong ala 1:35 ng hapon ang biktimang si Franz Xavier Bustillo , empleyado ng Solaire Hotel at nanirahan sa Pacific Pallacide Condominium na matatagpuan sa Maria Orosa St., Ermita, Manila.
Narekober sa kaniyang tabi ang isang balisong na may habang 6’ na pulgada.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Christian Caparas ng Manila Police District-Homicide Section, inihatid pa ng kaibigang si Harry Ong ang biktima sa lobby ng condominium at pumasok na ito sa kanyang silid sa Room 908. Nagawa pa umano nitong makipag-text sa kaniyang kapatid na si Erish Marie Claire Bustillo simula alas-10:43 hanggang alas-11:04 ng umaga kung saan nasabi ng biktima sa pamamagitan ng text na sobrang sakit ng tiyan at likod niya.
Hindi pa nagtatagal nang balikan ang biktima ng kaibigang si Ong at doon ay nadiskubre na walang malay, duguan ito na may apat na saksak sa dibdib at hiwa sa kaliwang pulso kaya agad na humingi ng saklolo sa condomium staff para isugod sa pagamutan.
Aminado naman ang kapatid na si Erish na hindi na dapat pagdudahan pa kung may foul play dahil noong nakalipas na Hulyo 19 lamang umano nagtapat ang biktima na dumaranas ito ng matinding sakit na stage 4 colon cancer at gusto na nitong wakasan ang buhay sa pamamagitan ng mercy killing.