3 utas sa riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Dalawang babae at isang lalaki ang nasawi makaraang tambangan ng riding-in-tandem na suspek habang ang mga una ay sakay ng isang kotse sa may liblib na lugar sa Novaliches, Quezon City kahapon.
Sa inisyal na ulat ni Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police District Station 4, nakilala ang mga nasawi na sina Agido Roqueta, na siyang nagmamaneho sa sasakyan, seaman, ng Tondo, Manila; Rosie Sumbeling at Irma Bautista.
Ang mga salarin na pawang nakasuot ng puting helmet ay mabilis na tumakas makaraan ang pananambang.
Nangyari ang insidente sa may Daang Nawasa, Bucanig Extension, Baluyot Park, Brgy. Sauyo sa lungsod ganap na alas -11:30 ng umaga.
Diumano, sakay ang mga biktima ng kulay chocolate brown na Toyota Vios na may conduction sticker na BY-7837 at tinatahak ang nasabing kalye nang biglang sumulpot ang motorsiklo ng mga suspek.
Bigla umanong pinaulanan ng bala ang sasakyan ng mga biktima, bago tuluyang nagsipagtakas sakay ng kanilang motorsiklo ang mga salarin.
Ayon sa barangay, nalaman na lang umano ng mga residente ang insidente dahil sa mga putok ng baril at pagsalpok ng kotse ng mga biktima sa pader.
Dead-on-the-spot sa loob ng kotse ang sina Roqueta at Sumbeling , habang ang nasa likuran na si Bautista na nakaupo sa likuran ng kotse ay naisugod pa sa pagamutan kung saan nakaupo ang isa, pero hindi na rin umabot pa ng buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest