MANILA, Philippines - Utas ang isang lalaking nakaangkas sa isang motorsiklo habang kritikal naman ang buhay ng rider makaraang masagi ng isang pampasaherong bus habang binabagtas ang C3 Road sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa Caloocan City Medical Center ngunit nalagutan rin ng hininga ang 30-anyos na si Rogie Delaguna, habang inilipat naman sa East Avenue Medical Center si Rodelio Lendo, 17-anyos, kapwa ng Tanigue Street, ng naturang lungsod.
Sumuko naman ang driver ng bus na si Florentino Corpuz, Jr., 45, ng Cubao, Quezon City. Nahaharap ito ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at frustrated homicide.
Sa inisyal na ulat, binabagtas nina Delaguna at Lendo ang kahabaan ng C3 Road patungo sa Dagat-dagatan, Caloocan nang masagi ng bus na minamaneho ni Corpuz pagsapit sa kanto ng B. Serrano Avenue.
Lumipad sa kalsada ang nakaangkas na si Delaguna at bumagsak sa kalsada habang nagawang makakapit sa manibela ng motor si Lendo.
Lumipas ang ilang minuto bago nasaklolohan ang dalawang biktima at naisugod sa pagamutan.