MANILA, Philippines - Labing-isang preso ang iniulat na pumuga makaraang lagariin ang rehas sa kanilang selda sa Mandaluyong police detention cell, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Senior Supt. Tyrone Masigon, hepe ng Mandaluyong police, nasa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng madaling araw ng isagawa ang pagtakas ng mga preso sa pamamagitan ng paglagari sa rehas na bakal na nagkokonekta sa toilet sa likod ng selda.
Ang mga pumugang preso ay pawang nahaharap sa petty crimes tulad ng theft, pick pocket, falsification of public documents at iba pa.
Sinabi ni Masigon, pinangunahan ng isang Djordan Villadolid ang pagtakas ng mga preso na natuklasan lamang ganap na alas-5:00 ng madaling araw nang isagawa ang headcount.
Agad naman nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Masigon sa Welfareville Compound na nagresulta ng muling pagkakaaresto ng isang preso na si Gabby Capistrano.
Tinutugis pa ng mga awtoridad ang 10 pang preso habang agad na ni-relieved ang limang jail guard at kanilang superior na naka-duty nang mangyari ang pagpuga.
Nabatid sa imbestigasyon na tatlong araw umanong nilagari ng mga preso ang kanilang rehas at para hindi marinig at mabuko ay isinasagawa ang paglagari sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Sinasabing walo sa mga nakapuga ang hindi sana sasama sa pagtakas, pero ginising at tinakot umanong bubugbugin ng grupo ni Villadolid kung hindi sasama sa kanila.
Sa ngayon ay hinigpitan na at sumasailalim sa masusing pagrekisa ng mga dalaw na hinihinalang nagdala ng lagari na ginamit sa pagpuga ng mga preso.