MANILA, Philippines - Pinuri ang Albay ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit National Organizing Committee (NOC) sa mahusay na pagsasakatuparan nito sa plano ng mga paghahanda sa pandaigdigang pagpupulong na rito gaganapin.
Ang 2015 APEC Learders Summit ay sisimulan ng isang Informal Ministerial Meeting sa Disyembre 4-6, 2014 na gaganapin sa magandang ‘luxury island hideaway Misibis Resort” sa Bacacay, Albay. Susundan ito ng marami pang pagpupulong ng matataas na opisyal ng 21 bansang kabilang sa APEC at magtatapos sa Summit ng kanilang mga pinuno sa Nobyembre 2015.
Napili ang Albay bilang isa sa ilang pagdadausan ng naturang mga kumperensiya. Sa kanilang pagsusuri sa mga paghahanda ng Albay, pinuna ng mga opisyal ng APEC-NOC ang “well executed tasks so far” ng lalawigan para sa Summit.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for International Economic Affairs Laura del Rosario na dumalaw dito kamakailan, kasama ang iba pang opisyal ng APEC-NOC, napili ang Albay ng APEC organizers dahil sa respeto nila sa kakayahan ni Albay Gov. Joey Salceda, na napatunayan sa maraming pagkakataon ang kanyang kahusayan sa pagsasakatuparan ng kanyang mga programa, lalo na sa Disaster Risk Reduction Management (DRRM) at Climate Change Adaptation (CCA).
Kasama ang DRRM at CCA sa mga mahahalagang usapin sa adyenda ng APEC Summit. Si Salceda ay co-chair din ng United Nations Green Climate Fubd (GCF) Board kung saan kinatawan siya ng buong Southeast Asia at mahihirap na bansa.
Ayon kay del Rosario, bukod sa napagpasiyahan ng mga APEC meetings sa gaganapin sa Albay, madadagdagan pa ito ng tatlo o apat na iba pa na ang bawat pagpapupulong ay lalahukan ng mula 150 hanggang 350 opisyal mula sa 21 bansang kabilang sa APEC.
Pinuna naman ni Salceda na ang pagkakapili sa Albay na pagdausan ng maraming pagpupulong ng APEC ay pahiwatig lamang ng tiwala ng mundo sa kanilang kakayahan na pangasiwaan ang ganitong malalaking international events.