MANILA, Philippines - Pinabulagta ang 42-anyos na senglot makaraang pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa harap ng tindahan sa Parola Compound, Binondo sa Maynila kahapon ng madaling-araw.
Dalawang bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Melencio “Nonoy Tahi” Serrano ng #0420 Gate 54, Area B sa Parola compound sa nabanggit na lugar.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:15 ng madaling araw nang lapitan at ratratin ang biktima sa harap ng tindahan sa Gate 54 Area B.
Napag-alamang lango sa alak ang biktimang naglalakad pauwi kasama ang kaibigang si alyas “Dodong” nang biglang harangin at pagbabarilin.
Duguang bumagsak ang biktima subalit muling pinaputukan ng gunman upang masigurong hindi na mabubuhay.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, wala namang atraso ang biktima sa nasabing lugar.