MANILA, Philippines - Isa na namang masamang batik at imahe sa turismo ng bansa ang naganap na holdapan laban sa 41-anyos na turistang Hapones na naging biktima ng apat na pulis na tinaguriang hulidap sa bahagi ng Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa reklamong idinulog sa Manila Police District-General Assignment Section, inilahad ng biktimang si Handa Makasaki ng Kyoto, Japan, at pansamantalang nanunuluyan sa Tune Hotel sa Mabini Street, Ermita nang sumilong ito sa waiting shed na malapit sa nasabing hotel nang lapitan ng nakaunipormeng pulis na walang name plate.
Pinagsabihan siya ng unipormadong pulis na bawal ang tumambay at hinanapan siya ng passport kung saan pinapunta sa nakaparang van na may kumbinasyong itim at puti.
Nang papasukin ang biktima ay may tatlong lalaking naka-unipormeng pulis na sakay ay kinuha ang kaniyang mga kagamitan at wallet kabilang na ang cellphone, laptop, at malaking halaga saka siya inutusang bumaba habang nakatutok ang baril.
Sa naging pahayag sa imbestigador ng security guard ng Tune Hotel, maputla at tumatakbong pabalik sa hotel ang biktima kung saan hindi naman maintindihan ang sinasabi kaya nagpahanap ng interpreter upang maintindihan ang kaniyang inirereklamo.
Dahil dito, sinamahan siya ng security guard para magsampa ng reklamo sa pulisya. (with Patrick Roy Andal)