MANILA, Philippines - Isang pastor ang natangayan ng pera at mga alahas ng isang nag-a-apply bilang kasambahay, kahapon sa Caloocan City.
Sa pahayag sa pulisya ng biktimang si Rolando Ilagan, 61, ng Santa Quiteria ng naturang lungsod na alas-9:50 ng umaga nang mag-apply sa kanya bilang katulong ang suspek na nagpakilalang Lily Layas sa loob ng kanilang bahay at habang ini-interview ay nakatanggap ng text ang biktima na naglalaman na “gud morning sir, punta kayo church, nadisgrasya si misis, dala ka sasakyan para madala ospital”.
Dahil dito ay nagmamadaling sumakay sa kanyang sasakyan ang biktima kasama ang matagal ng katulong na si Maricel at iniwan sa kanilang bahay ang suspek.
Subalit pagdating sa nasabing lugar ay nalaman na hindi totoong nadisgrasya ang asawa ng biktima, na naging dahilan upang bumalik na lang ang biktima sa kanilang bahay.
Napansin ng biktima na bukas ang pinto ng bahay at pagpasok sa kanilang kuwarto ay nagkalat ang mga gamit at nang tingnan ang nakatagong cash at alahas ay wala na maging ang suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up ang mga pulis at inaalam na rin kung ano talaga ang pangalan ng suspek at sino ang mga kasabwat nito sa pagnanakaw.