Sinasakyang motorsiklo sumemplang joyride ng 3 coed: 2 patay

Ang sumemplang na motorsiklo na rito lulan ang tatlong coed. Makikita ang isa sa biktima na sumemplang sa bangketa. Naka-inset ang lisensiya ni Sheranebeth Ocampo, estudyante ng  Phil. College of Health and Sciences Inc.  na siyang nagmamaneho sa naturang motor­siklo at nasawi rin sa trahedya. (Mga kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang ginawang joyride ng tatlong coed makaraang sumem­plang ang sinasakyan nilang motorsiklo kung saan da­lawa sa kanila ang nasawi, habang sugatan pa ang isa sa San Miguel, Quiapo, Maynila, kama­kalawa  ng gabi.

Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Shera­nebeth Ocampo, 20, estudyante ng  Philippine College of Health and Sciences­ Inc. at Jenee­ Anne Lingal, estudyante ng National Teachers College­.

Sugatan naman at gina­gamot sa Philippine Ge­neral Hospital ang isa pang angkas na si Jane Margarita Lastrollo, 21, estudyante din ng National Teachers’ College.

Sa ulat ni SPO1 Bert Francisco ng Manila Traffic Enforcement Unit, dakong alas-11:00 ng gabi kama­kalawa nang ma­ganap ang insidente sa may Ayala­ Bridge.

Mabilis umano ang pagmamaneho ni Ocampo sa Kawasaki (6066-HZ) habang angkas nito sina Lingal at Lastrollo nang sumemplang dahil sa ma­dulas na daan.

Sinasabing  humampas sa gutter ang ulo ni Ocampo, habang ang dalawa nitong angkas ay tumilapon at lumagapak naman sa bangketa.

Nang respondehan, nakitang buhay pa si Lastrollo na dinala naman sa pa­gamutan.

Batay din sa ulat, pawang nakainom ang tatlo na posibleng dahilan din kaya hindi nakontrol ni Ocampo ang pagma­maneho.

Show comments