MANILA, Philippines - Naglutangan ang mga bangus malapit sa pumping station ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa San Francisco St. sa Mandaluyong City kahapon.
Sinamantala naman ng mga residente ang pagkakataon at nagkani-kanyang huli ng mga bangus.
Paniwala ng mga residente sa lugar na posibleng nanggaling ang mga bangus sa mga palaisdaan sa Laguna Lake na napinsala ng bagyong Glenda.
Ayon sa residenteng si Romeo Valencia, mga buhay naman ang mga bangus ngunit nasa gilid lamang ang mga ito at lumulutang dahil hindi sila sanay sa tubig-tabang.
Maaari aniyang hulihin ang mga ito gamit lamang ang mga kamay.
Marami naman sa mga residente ang bumili ng fish nets at mga timba na pinaglagyan ng mga nahuling bangus.
Marami sa mga residente na nakakuha ng sobra-sobra para sa kanilang pagkain ang ipinagbili ng mura ang mga nahuling bangus.
Samantala, sa Makati City, nagbabala ang Makati City Health Department (MHD) sa publiko lalo na ang mga residente sa lungsod sa pagbili ng isdang bangus at tilapya na nahuhuli sa Pasig River dahil delikado ito sa kalusugan at posibleng makakuha dito ng sakit na physical retardation at cancer dahil sa kontaminado ang tubig.
Kahapon ay nagpalabas ng babala si Dr. Jocelyn Vaño, city health office ng MHD na huwag bibili ng mga isdang nagmula sa Pasig River.
Ang naging hakbangin ng MHD ay matapos silang makatanggap ng report na umapaw ang mga isdang bangus at tilapya sa mga palaisdaan sa Rizal at Laguna dulot nang pananalasa ng bagyong Glenda at napunta ito sa Pasig River.
Nabatid na ang mga isdang nahuhuli mula sa Pasig River, ay mayroong toxic chemicals partikular ang methylmercury.