Janitor lasog sa dalawang nagkakarerahang sasakyan

MANILA, Philippines - Patay ang isang janitor matapos itong ma-hit-and-run  ng dalawang sasakyan na nagkakarerahan kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Noelito Alega,  utility worker sa  Department of Foreign Affairs (DFA) at na­ninirahan sa Malibay Pasay City sanhi ng tinamong ma­tinding pinsala sa ulo. Blanko pa ang pulisya kung sino ang mga taong responsable sa pagkamatay ng biktima.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Edmar Dechate,  ng Pasay City Traffic Division naganap ang insidente  alas-5:00 umaga  sa kahabaan ng FB Harrison tapat ng Pasay City Sport Complex ng na­sabing lungsod.

Base sa pahayag ng testigong si Cris Moreno, traffic enforcer dalawang sasakyan na kulay pula at abo na hindi nakuhanan ng plaka ang nagkakarerahan nang biglang tumawid ang biktima. 

Dahil sa lakas ng pagka­kabangga sa biktima ay tumilapon ito ng ilang metro hanggang sa humampas sa steel railings na nasa bangketa ng Pasay City Sports Complex na naging dahilan ng kamatayan nito.

Agad namang isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Ayon kay Moreno, madilim sa lugar dahil sa wala pang kuryente at kasagsagan pa ng ulan nang maganap ang insidente.

Dahil dito nanawagan naman ang pulisya sa dalawang sasakyan na nagkakarerahan na responsable sa insidente na lumutang at makunsensiya naman.

 

Show comments