Shootout: 2 holdaper utas
MANILA, Philippines - Patay ang dalawang lalaki makaraang manlaban sa mga rumispondeng pulis ilang segundo matapos umanong holdapin ang isang pampaseherong jeepney sa kasagsagan ng bagyong Glenda sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Supt. Noberto Babagay, hepe ng Quezon City Police District Station 4, patuloy na inaalam pa nila ang pagkakakilanlan sa mga nasawing suspek.
Nangyari ang insidente sa may Rainbow Homes 1, Rainbow St., corner Evangelista, Brgy. San Bartolome, ganap na alas-10:30 ng gabi.
Bago ito, sumakay umano ang mga suspek sa isang pampasaherong jeepney na may biyaheng Novaliches, Blumentrit at nagkunwaring mga pasahero.
Pagsapit sa nasabing lugar, biglang naglabas ng baril ang isa sa mga ito at nagdeklara ng holdap saka sinimulang limasin ang mga gamit ng mga pasahero.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang mga pulis nang maispatan ang komosyon sa loob ng jeepney.
Dahil dito, nagpasyang lapitan ng mga pulis ang jeepney pero sinalubong na sila nang pagpapaputok ng baril ng isa sa suspek dahilan para mauwi sa engkwentro at masawi ang mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang mga kinulimbat nila sa mga pasahero maging ang isang kalibre .38 armas na ginamit nila sa iligal na operasyon. Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nasabing insidente.
- Latest