MANILA, Philippines - Sugatan ang isang driver makaraang umawat sa away ng kanyang kasama at ng tauhan ng isang towing service sa Road 10, Vitas, Tondo, Maynila.
Ginagamot ngayon sa Tondo Medical Center (TMC), ang biktimang si Dennis Flor, 37, ng Panganiban St. Sta.Mesa, Manila, matapos magtamo ng saksak sa kanang bahagi ng katawan.
Samantala, mabilis namang tumakas ang mga suspek na ang isa’y nakasuot ng kulay asul na t-shirt at may tatak na RWM Towing Services at bitbit ang patalim na ginamit.
Bago ang insidente, nabatid na nai-tow ang minamanehong truck ng biktima na may plakang UQB-941 na pag-aari ng SNH Logistic dakong ala-1:00 ng hapon habang nakaparada sa Capulong St., Tondo, Manila.
Pinuntahan umano ng biktima ang truck sa impounding area at habang hinihintay na maibalik ang kanyang minamanehong truck ay nakita nito na nagtatalo ang isang driver ng GFI Trucking at suspek dahilan para awatin nito ang dalawa.
Gayunman, ang biktima ang pinagbalingan ng suspek at sinaksak ng kutsilyo habang ang isa pang suspek na kasama nito ay niyakap pa ang biktima.