MANILA, Philippines - Nasamsam ng pulisya ang labing-anim na plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P50,000 sa isang pagsalakay na isinagawa kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Ayon kay Police Chief Inspector Rolando Baula, hepe ng Intelligence Division ng Pasay City Police, alas-3:00 ng madaling-araw nang isagawa ang raid sa isang bahay sa Maginhawa St., Brgy. 14 ng naturang lungsod sa bisa ng search warrant na inisyu ng Pasay City Regional Trial Court.
Walang naabutang mga suspek ang pulisya at ang nakita ay ang 16 pirasong plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa halagang P50,000.00. Kaagad kinuha ng mga pulis ang naturang mga droga upang magsilbing ebidensiya.
Ayon pa sa pulisya ang isinagawa nilang operasyon ay base na rin sa ilang reklamong kanilang natatanggap hinggil sa talamak umano ang droga sa naturang lugar. Dahilan upang mag-apply sila ng search warrant sa Pasay City RTC. Sa ngayon ay nagsasagawa ng follow-up ang mga pulis laban sa mga suspek na pansamantalang hindi muna pinangalanan.