MANILA, Philippines - Magpapatupad ng rollback sa presyo ng kanilang produktong petrolyo ang ilang kompanya ng langis ngayong araw na ito (Hulyo 15).
Sa abiso ng kompanyang Petron Corporation, Pilipinas Shell at Chevron, epektibong ipinatupad ang rollback para sa kanilang produkto alas-12:01 ng madaling-araw.
Ito ay nasa tig-P0.95 sa kada litro sa presyo ng kanilang gasolina, diesel at kerosene.
Ayon kina Ina Soriano, ng Pilipinas Shell at Raffy Ledesma, Strategic Communications Manager ng Petron Corporation, ang panibagong pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa paggalaw ng halaga ng langis sa world market.
Inaasahan naman na susunod na rin mag-anunsyo ang iba pang kompanya ng langis sa kahalintulad ding halaga.
Matatandaan na huling nagpatupad ng pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo noong Hulyo 8 ng taong kasalukuyan.