MANILA, Philippines - Tumagal ng dalawang oras bago matagumpay na nailigtas ng mga otoridad ang isang 3-taong gulang na batang lalaki na hinostage ng mismong lolo nito, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Inihahanda na ngayon ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay Rodrigo Perez, 48, ng C6 Road, Bgy. Lower Bicutan, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang hablutin ni Perez ang apo at tinutukan ng patalim habang sinigawan ang mga tao sa paligid na walang lalapit sa kanya.
Agad namang rumesponde ang mga barangay tanod at mga pulis na nakipagnegosasyon sa suspek. Nagawang malansi ng mga negosyador si Perez at madisarmahan saka nahablot papalayo ang nag-iiyak na apo dakong alas-9 na ng gabi.
Nang isailalim sa imbestigasyon, sinabi ng suspek na nagawa umano niyang ihostage ang apo bilang proteksyon sa sarili dahil sa may mga tao umanong humahabol sa kanya. Dahil dito, hinihinalang impluwensya ng iligal na droga ang nagtulak sa suspek na ihostage ang apo.