Emergency drill sa kalamidad, ipapatupad sa bawat barangay

MANILA, Philippines - Bilang paghahanda laban sa kala­midad, inaprubahan ka­makalawa ng Metro Manila Council (MMC) ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang panukula hinggil sa pagpapatupad ng emergency drill sa mga barangay.

 Nakasaad sa tatlong pahinang resolution ng MMC na binubuo ng 17 alkalde sa Kalakhang Maynila, na siyang policy making body ng MMDA, inaprubahan nila ang naturang panukala dahil walang oras at araw ang pag-atake ng kalamidad.

Sa naturang reso­lution, magpapatupad ng emergency drill sa mga barangay sa buong Kalakhang Maynila, kung saan ang mga opisyal ng barangay ang unang reresponde sa kanilang mga constituents kapag may mga insidente lalo na kapag may mga kalamidad  tulad ng bagyo at lindol.

Layunin nito ay upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko at paghandaan ang pag-atake ng mga kalamidad.

Ang hakbangin ng MMDA ay bunsod pa rin sa naging paha­yag ng Philippine Insti­tute of Volcanology and Seismo­logy (PHI­VOLCS),  na ang Metro Manila ay exposed sa malakas na magnitude earthquake base na rin sa Valley Fault System.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ang “Oplan Metro Yakal”, ay magiging ak­tibo ang operasyon nito  sakaling maapektuhan ang Metropolis ng intensity 4 kapag may lindol.

Nabatid na ang Oplan Metro Yakal ay ti­natag ng MMDA para sa earthquake contingency plan, na kinabibilangan ng 6,000 katao na pawang malalakas na suma­ilalim sa mati­tinding rescue ope­ration training sa ilalim ng Task Force Rainbow na ang isang libo rito ay nagmula sa mga volunteer ng mga ba­rangay.

 

Show comments