Gitgitan sa trapiko, 2 parak nagduwelo

MANILA, Philippines - Dahil lamang sa simpleng away trapiko, dalawang pulis ang nagbarilan at kapwa sugatan kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang mga ito na sina PO1 Liderato Cruz, 32, nakatalaga sa Southern Police District (SPD) at residente ng Tondo, Manila habang ang isa naman ay si PO3 Dennis Santiago, 43, na nakatalaga sa DistrictPublic Safety Battalion sa headquartersng Manila Police District (MPD).

Dakong alas-2:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Herbosa at Juan Luna Sts., sa Tondo, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Station 1, dinala sa Mary Johnston Hospital ang dalawang biktima kung saan sila nilalapatan ng lunas.

Si Cruz ay nagtamo ng multiple gunshot wounds habang isang tama lamang sa kanang hita ang tinamo ni Santiago.

Sinasabing nag-ugat ang barilan dahil lamang sa simpeng gitgitan sa kalye dahil kapwa lulan ng kani-kanilang motorsiklo ang dalawa, bagamat si PO1 Cruz ay kasama at angkas ang misis na si Annaliza.

Inaalam din kung bakit ang na­kitang 9mm na kalibre ng baril na ginamit ni Cruz ay hindi umano kanyang service firearm.

 

Show comments