MANILA, Philippines - Maging ang maliit na negosyo ay hindi na pinapatawad ngayon ng mga holdaper na riding-in-tandem, tulad ng isang sangay ng Andok’s Litson sa Quezon City na kanilang biniktima at tinangay ang karampot na kita nito, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 7, ang hinoldap na litsunan ng manok ay matatagpuan sa kahabaan ng P. Tuazon Blvd., corner 2nd Avenue, Brgy. San Roque.
Tanging P1,000 lamang na benta sa magdamag ng nasabing litsunan ang nakuha ng mga suspek na pawang nakasuot ng helmet at armado ng kalibre .45 baril dahil nai-remit na ng mga kawani ang buong kita nito, ayon kay Chief Insp. Maricar Taqueban, hepe ng Public information office ng QCPD.
Nangyari ang insidente ganap na alas-2:35 ng madaling-araw.
Ayon kay Raniel Luang, service crew, nagbabantay siya sa tindahan nang dumating ang isang kulay itim na Enduro type na motorsiklo sakay ang dalawang lalaki at nagpanggap na kostumer.
Paglapit sa kanya, bigla na lamang umanong naglabas ng baril ang mga ito, saka nagdeklara ng holdap at kinuha ang nasabing benta.Nang makuha ang pakay saka muling sumakay sa kanilang get-away na motorsiklo at tumakas.