MANILA, Philippines - Nalapnos ang balat sa buong katawan ng isang welder nang tangkain nitong kunin ang kanyang mga kagamitan habang nasusunog ang limang bus at ang kanilang opisina sa Pasay City, kahapon ng madaling-araw.
Ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Noel Reyes, 26, stay-in sa United Land Transport and Bus Company (ULTRA Bus) na ang tanggapan ay matatagpuan sa Don Carlos St., Brgy. 190 ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong 2nd degree burns sa buong katawan.
Batay sa report ng Pasay City Bureau Fire Protection, alas-2:00 ng madaling araw nang biglang magliyab ang garahe ng naturang kumpanya ng bus.
Ayon sa mga nagrorondang barangay tanod nakita na lamang nilang may usok sa bandang garahe ng Ultra Bus kasunod ng malakas na pagsabog sa mga nakaparadang bus kung saan mabilis na kumalat ang apoy at nilamon ng apoy ang limang unit nito.
Nabatid, na alas-3:30 ng madaling araw nang ideklarang fire out ang nasabing sunog.
Wala naman naiulat na nasawi , gayunman nalapnos ang katawan ni Reyes matapos tangkain nitong iligtas ang kanilang mga kagamitan sa loob ng opisina.