Call center agent ginawang sex slave, technician arestado
MANILA, Philippines - Arestado ang isang 49-anyos na technician nang isuplong ng call center agent na ginawa umano nitong sex slave sa loob ng mahigit isang taon, nang makakuha ng pagkakataon ang huli na maipadampot ito sa mga tauhan ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakapiit na sa detention facility ng MPD-GAIS ang suspek na kinilalang si Arnold Rosal, residente ng A. Lemery St., Singalong, Malate, Maynila kaugnay sa reklamong inihain laban sa kanya ng biktimang itinago sa pangalang Helen, 26, call center agent at 6 na buwang buntis, ng Batangas.
Nabatid na ang biktima ay tinatakot ng suspek at hindi sinasabi sa mga kaanak ng biktima kung nasaan sila namamalagi. Kapag umaalis umano ang suspek ay ikinakandado sa loob ng kuwarto ang biktima at may pagkakataon na maaari lamang lumabas ang biktima kung pasasamahan ito upang hindi tumakas.
Dahil sa hindi na umano masikmura ng biktima ang ginagawa ng suspek, nagkunwaring dinudugo at nakunan ito sa kanyang ipinagbubuntis kaya sinamahan siya ng suspek na magtungo sa Medical Center Manila sa UN Avenue, sa Ermita, kung saan nagawa nitong makapuslit at magtungo sa kalapit na himpilan ng pulisya.
Galit ang biktima sa suspek dahil natuklasan niyang may-asawa na at maraming anak. Maging ang kanilang pagtatalik ay kinunan pa umano ng video ng suspek.
Inihahanda na ang kaso laban sa nadakip na suspect.
- Latest