MANILA, Philippines — Upang lumakas ang kaso, ginawa nang state witness ng Department of Justice ang isa sa mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity kaugnay sa pagkamatay ng neophyte na si Guillo Servando.
Bagaman kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima ngayong Miyerkules ang pagpasok ng fratman sa Witness Protection Program, tumanggi naman siyang pangalan ang hawak nilang testigo.
Sumuko kagabi ang miyembro ng Tau Gamma sa National Bureau of Investigation (NBI) at inilahad ang alam niya sa sinapit ng 18-anyos na estudyante ng De La Salle-College of Saint Benilde.
Kaugnay na balita: Miyembro ng Tau Gamma Phi sumuko na
Sinabi ng abogadong si Joel Tobera ng NBI Death Investigation Unit na idinetalye sa kanila ng testigo ang mga nangyari noong initiation rites sa isang bahay sa Makati City.
"To strengthen further our case, as further revelation of the witness in his sworn statement explained to us his blow by blow account," wika ni Tobera sa isang panayam sa telebisyon.
Dagdag niya na anumang araw mula ngayon ay maaari na nilang isampa ang kaso laban sa mga suspek.
Nagbigay na ng kanilang mga sinumpaang salaysay ang iba pang neophytes na sina John Paul Raval at Lorenze Agustin.
Ilan sa mga kakasuhan ay sina Tau Gamma chapter president Cody Morales, umano'y master initiator Emeng Calupas, fraternity secretary Daniel Martin Bautista, Pope Bautista, Hans Tamaring, Trex Garcia, Kevin Navoa, at Carl Floresca.