Mataas na multa sa jaywalkers, ipapatupad
MANILA, Philippines - Mula sa P200, magiging P500 na ang multa at tatlong oras na community service ang magiging parusa sa mga pedestrian na lalabag sa Anti-Jaywalking campaign ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nabatid, na inaprubahan kahapon ng Metro Manila Council (MMC) ang naturang panukala sanhi na rin ng nakakaalarmang paglobo ng bilang ng mga aksidente dahil sa pagtawid sa hindi tamang tawiran.
Ang MMC ang siyang policy making body ng MMDA at ang lahat ng mga pinaiiral na regulasyon sa Kalakhang Maynila ay dadaan sa kanila at sila rin ang mag-aapruba.
Naniniwala si MMDA Chairman Francis Tolentino, panahon na upang itaas ang multang ipapataw sa mga lumalabag sa kampanya kontra jaywalking dahil tila marami pa ring pasaway at hindi natututo.
Kumbinsido si Tolentino na maaaring dahil sa maliit lamang na multa kaya’t itoy balewala lamang sa publiko.
Tinukoy ni Tolentino, na sa kanilang rekord, mayroon 500 tao ang namamatay kada taon dahil sa pagtawid sa hindi tamang tariwan at ito’y lubhang nakakabahala sa ahensiya
Gayunpaman, paglilinaw ni Tolentino, kapag ang isang nahuli ay hindi kayang bayaran ang P500 multa, maaaring sumailalim ito sa tatlong oras na community service tulad ng paglilinis ng estero.
Kasabay nito, inaprubahan na rin ng MMC ang pagtaas ng multa sa mga lumalabag sa truck ban, na mula sa kasalukuyang P500 na multa, itataas na ito sa halagang P2,000.
Bukod pa sa magiging rekomendasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ( LTFRB ) office na suspendihin ang driver’s license ng mga lalabag.
Subalit, hindi aniya saklaw sa bagong itinakdang multa ang lungsod ng Maynila na may sariling ordinansang umiiral sa truck ban.
Magiging epektibo ang bagong ipapatupad na multa kontra jaywalking at truck ban matapos ang labing limang araw na ito’y mailalathala.
- Latest