2 kelot patay sa heat stroke
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na hinihinalang biktima ng heat stroke ang natagpuang patay sa magkahiwalay na lugar sa Sta. Cruz at Binondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Unang nirespondehan ng Manila Police District-Homicide Section ang isang hindi pa kilalang pasahero na nakitang nakatalungko at nadiskubreng patay sa loob ng isang jeep na biyaheng Cubao-Divisoria, habang nagtatawag ng pasahero ang driver na si Roberto Avero, sa bahagi ng CM Recto, sa Sta. Cruz, Maynila ala-1:30 ng madaling-araw.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo inilarawan niya ang biktima sa edad na 40 hanggang 45, 5’5’’ hanggang 5’7’’ ang taas, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay abuhing t-shirt at kulay brown na shortpants.
Naisugod pa siya sa Jose Reyes Memorial Medical Center kung saan idineklarang dead-on-arrival.
Dakong alas 6:30 ng umaga, kahapon nang makatanggap ng tawag ang pulisya sa MPD-Binondo Police Station 11, hinggil sa natagpuang biktima na wala nang buhay sa loob ng compound ng Ardee’s Ventures and Logistics Company sa 109 Muelle dela Industria sa Binondo. Nakilala ang biktimang si Sandalo Galvan, 60, na isang artist at residente ng Ermita, Manila.
Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun, contractual artist sa nabanggit na kompanya ang biktima na nakita na lamang ng kasamahang pintor na si Vicente Oliverio na hindi gumagalaw habang nakayuko ito sa isang forklift sa nasabing compound.
Nadiskubreng nagdurugo ang ilong ng biktima, kaya agad niya itong ipinagbigay alam sa pulisya ng naka-duty na security guard.
- Latest