MANILA, Philippines - Patay ang isang lolo matapos magbaril sa sarili habang naka-check-in sa Spring Hotel sa Cubao, Quezon City, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima mula sa nakuha sa kanyang identification card na si Noel Hirang, 62 hanggang 65-anyos.
Si Hirang ay nasawi habang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center dahil sa tama ng bala ng kalibre .38 na baril sa kanang sentido at kanang dibdib.
Ayon sa Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) naganap ang insidente sa loob ng room 1016 Spring Hotel sa Pinatubo St., Brgy. San Martin de Porres, Cubao, Quezon City dakong alas-10:20 ng umaga.
Sinabi sa ulat na mag-isang pumasok umano ang biktima sa naturang hotel noong nakalipas na Hulyo 2, 2014 dakong alas-7:44 ng umaga at umupa ng isang room hanggang Hulyo 4 ng umaga.
Nabatid sa ulat na matapos magtapos ang nabayarang oras ng biktima ay kinatok umano ng room boy na si Joey Lorenzo ang kuwarto nito subalit walang sumasagot.
Makalipas ang ilang segundong pagkatok nakarinig ang room boy ng putok ng baril sa loob ng kuwarto ng biktima dahilan para ipagbigay-alam nito sa kanyang mga nakatataas ang pangyayari.
Binuksan ang pintuan ng biktima gamit ang duplicate key nito at nakitang nakahandusay ang biktima sa kanyang kama na naliligo sa sariling dugo.
Sa tabi nito ay nakita naman ang isang kalibre .38 na baril na ginamit nito sa pagbaril sa sarili. Agad isinugod ang biktima sa naturang ospital subalit hindi na naisalba ang buhay nito.
Sinisiyasat pa ng mga pulis ang motibo ng pagpapatiwakal ng biktima o kung may naganap na foul play sa naturang krimen.