MANILA, Philippines - Iniikot sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila ang 21-footer robotic replica ng world famous crocodile na si ‘Lolong’, kahapon.
Ang naturang P80,000 replica ay gawa sa fiber at rubber at nagagawang igalaw ang bibig at maging ang ulo ay umagaw ng atensyon sa mga namamasyal sa Crocodile Park sa Pasay City. Nabatid, na sakay ng trak at halos tatlong araw na itong iniikot sa mga kalye mula sa Davao City, Visayas at Luzon para maihatid sa Pasay City.
Nabatid na pagdating pa lamang sa parke, dinumog na ito dahil sa sobrang laki at kahawig na kahawig ng buwayang si ‘Lolong’.
Nakakagapang din ang naturang robotic na buwaya dahil may gulong at sa loob nito ay may taong pumipidal. Tatlong buwan din itong binuo ng mga local artist ng Davao City na sina Juvy Bangut at Jessie Suerte at tinatayang nasa P80,000 ang ginastos dito.
Layunin ng pagbuo sa naturang robotic na buwaya ay upang maging alaala ito kay ‘Lolong’ matapos itong masawi noong 2013.
Nabatid, na replica sana ang gagawin ng Crocodile Park pero hindi umano pumayag ang National Museum, dahil may sarili itong proyekto na ginagawa mula sa mismong balat ni Lolong. Kung kaya’t sinabi ni Acquiatan na ito ang dahilan kung bakit animal robotic na lamang ang kanilang ginawa, at binago ang size at pangalan para hindi magkaroon ng kalituhan.
Inikot din ang naturang robotic na buwaya sa EDSA Avenue, Taft Ave. at Magallanes area para ipakilala.
Subalit, nasita pa ng mga nagulat na taga-Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang trak nang makitang sakay ang naturang robotic na buwaya habang bumabagtas sa EDSA Avenue papunta ng Pasay City.