MANILA, Philippines - Aabot sa 13 miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ang nagsagawa ng initiation rite sa apat na neophytes kabilang ang nasawing De La Salle-College of Saint Benilde student na si Guillermo Cesar Servando.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng Makati City Police, nadagdagan na umano ang bilang ng mga miyembro ng fraternity na responsable sa hazing laban sa apat na neophytes.
Naunang lumutang na 11 ang suspek matapos ngang pangalanan ang mga ito, subalit ayon sa pulisya, labing-tatlo umano ang suspek at sa ngayon aniya ay bina-validate na nila ang tunay na mga pangalan nito.
Saka lamang aniya nila ilalabas ang tunay na pangalan ng mga suspek base ito sa magiging pahayag ng tatlong biktima kasama nga si John Paul Raval, na pawang mga naka-confine ngayon sa iba’t ibang pagamutan.
Nabatid na kahapon ay nagtungo ang investigation team ng Makati City Police sa DLS-CSB upang mangalap ng iba pang impormasyon hinggil sa kaso.
Subalit, hirap aniyang makakuha ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa pamunuan ng naturang paaralan.
Sa ngayon aniya ay wala pang pormal na sinumpaang salaysay na nakukuha ang pulisya mula sa mga natitirang buhay na mga biktima at pawang pagkalap pa lamang ng mga impormasyon ay ginagawa ngayon ng pulisya.
Inaalam na rin ng pulisya kung may sangkot na kababaihan sa naturang hazing.
Matatandaan, na noong Hulyo 1, 2014 sumailalim sa hazing ang apat na neophytes mula sa mga miyembro ng Tau Gamma Phil Fraternity na isinagawa sa Brgy. Palanan, Makati City dahilan ng kamatayan ni Servando.