MANILA, Philippines - Isa rin umanong estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas ang naging biktima ng fraternity hazing na ginamot sa isang ospital sa Quezon City kamakailan matapos magtamo ng mga injuries sa katawan.
Gayunman, ayon kay QCPD Chief Supt. Richard Albano, may nagsabi sa kanya ukol sa umano’y insidente ng hazing, pero walang opisyal na report na naitala sa bawat police stations kaugnay dito.
Kaya naman hinikayat ni Albano ang sinasabing biktima na dumulog sa kanilang himpilan at i-report ang nasabing insidente.
Sabi pa ni Albano, tiningnan din nila ang ilang ospital sa siyudad, pero wala umanong rekord ng pasyenteng nabiktima ng hazing.
Base sa ulat, ang biktima ay nakaligtas sa ipinapalagay na fraternity hazing. Ang biktima di-umano ay nagtamo ng matinding injuries at naospital ng ilang araw.
Ito ay 17-anyos, isang atleta at incoming sophomore sa UP. Ang sinasabing sangkot sa insidente ng hazing ay mga prominenteng UP fraternity.
Sabi ni Supt. Richard Fiesta, hepe ng QCPD-Station 9, ang may hurisdiksyon sa Diliman Campus, ang pinalalagay na insidente ng hazing ay hindi umano nai-report sa mga otoridad ng unibersidad.
Samantala, tiniyak naman ni Albano sa sinasabing biktima ang proteksyon kung magdedesisyon itong lumapit sa kanila at ireport ang pangyayari.