MANILA, Philippines - Umaabot sa 96 na paaralan sa Quezon City ang nabiyayaan ng 200 ‘Alpabasa Sets’, isang teaching tool na gamit ng mga mag-aaral sa kinder at grade 1 pupils upang mahasa nang husto ang kaalaman sa pagbasa.
Ang proyektong ito na pinangunahang ilunsad ni QC Vice Mayor Joy Belmonte ay naisagawa sa P. Bernardo Elementary School sa pakikipagtulungan ng Learning Lion at ng Division of City Schools sa QC sa ilalim ng programang ‘I LOVE CHILD Friendly QC’.
Bago naisagawa ang pamamahagi ng ‘Alpabasa sets’, may 100 kinder at 100 grade 1 teachers ang sumailalim sa training workshop upang malaman kung paano gamitin ang ‘Alpabasa sets’ na kanilang gagamitin bilang bago nilang teaching styles sa mga paaralan.
Ang ‘Learning Lion Alpabasa tools’ ay isang innovative game-based Early Reading program na magbibigay saya at magbibigay ng kaalaman sa mga mag-aaral kung anu ang pinakagustong gawin ng isang bata laluna ang paglalaro. Bawat paaralan ay tumanggap ng ‘Alpabasa sets’ (Kinder at Grade 1), 45 workbooks, 15 books, teachers Kit, Poster, QC Childrens Code Primer at Child friendly QC Primer.
Nais ng Learning Lion na maipamalas din ang proyektong ito sa iba pang paaralan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng workshops at teaching tools na kailangan ng mga mag-aaral.
Ang ‘Alpabasa series’ ay may malaking tulong sa pagbabasa ng mga kinder at grade 1 pupil ng salitang Pilipino habang nasa murang edad pa lamang bukod sa may series ito ng libro, games, flash cards, worksheets at orihinal na mga kanta na magagamit sa araw araw.