Resto sa Cubao nasunog, P1-M ari-arian naabo

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P1 mil­­yong halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog na lumamon sa isang restaurant ng Ali Mall sa Araneta Center sa Cubao, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Supt. Jesus Fer­nandez, fire marshal sa lungsod, ang sunog ay sumira sa Gerry’s Grill na matatagpuan sa unang  palapag ng Timesquare ng Ali Mall at mata­tagpuan sa Brgy. Socorro sa lungsod.

Nagsimula ang sunog pa­sado alas-7 ng gabi, dulot ng electrical circuit sa kisame sa bandang kusina ng nasabing restaurant.

Mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikatlong alarma, kung saan bahagyang nadamay ang katabing restaurant nito.

Tuluyan nang pinalikas ang mga taong nasa loob ng mall, habang inaapula ang apoy.

Gumamit din ang mga pa­matay-sunog ng hagdanan at inakyat ang bubungan nito, da­hilan para tuluyang maapula at ideklara itong fire out, ganap na alas-7:55 ng gabi.

Naniniwala si Fernandez na ang pagkatunaw ng balat ng kawad ng kuryente dahil sa init na inilalabas ng exhaust pipe ng kainan ang ugat ng sunog.

Wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing insidente.

Show comments