MANILA, Philippines - Ibinunyag ng Korean Association of the Philippines (KAP), isa sa mga malalaking grupo ng mga dayuhan sa bansa, ang umano’y pagkakaroon ng iligal na aktibidades ng isang law firm kung saan sangkot ang ilang opisyal ng Bureau of Immigration.
Ayon sa KAP, umaapela sila kay Immigration Commissioner Siegfred Mison na siyasatin ang umano’y ‘mafia-like operation’ ng law firm na mariing kinokondena ng mga Korean businessmen na umano’y sangkot sa blackmail at extortion.
Nais ng negosyanteng si Kang Tae Sik na makaharap si Mison matapos umanong isagawa ng law firm at mga koneksiyon nito sa BI ang deportation ni Kang gamit ang mga pekeng kaso na ibinasura ng Pasig City Metropolitan Trial Court Branch 69.
Nabatid na nagawa umano ng law firm na ma-take over ang negosyo ni Kang na import export. Si Kang ay 27 taon nang nagnenegosyo sa bansa.
“If they do not want to discourage well-meaning investors to come to the Philippines and start business, the government must protect them from this kind of harassment,” ani Kang.