6-anyos na paslit, patay sa sunog
MANILA, Philippines - Isang 6-anyos na batang babae ang nasawi sa isang sunog na tumupok sa tinatayang may 30-bahay sa Mandaluyong City, kahapon ng hapon.
Ayon kay Fire Inspector Francia Embalsado ng Mandaluyong City Bureau of Fire Protection, ‘beyond recognition’ na ang katawan ng biktimang si Reinalyn Orocay, residente ng Isla de Cocomo, Brgy. Mauway, Mandaluyong City nang matagpuan ng mga awtoridad.
Batay sa ulat ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection (BFP), dakong ala-1:23 ng hapon nang maganap ang sunog sa naturang lugar.
Unang iniulat na nawawala si Orocay matapos umanong maiwan sa loob ng nasusunog na 3-palapag na paupahang bahay, kung saan siya natulog pagkagaling sa eskwela.
Laking panlulumo ng mga awtoriad at ng mga kaanak ng paslit dahil nang maideklarang fire-out ang sunog pasado alas-3:15 ng hapon ay natagpuan ang tupok na bangkay ng biktima sa loob ng nasunog na tahanan.
Hinala ng mga awtoridad na na-suffocate ang bata habang natutulog hanggang sa tuluyang masunog ang katawan nito. Halos hindi naman magawang tingnan ng mag-asawang Len at Rey Orocay ang hitsura ng anak sa ganoong sitwasyon kaya’t hindi kaagad nailabas ang bangkay mula sa natupok na gusali.
Batay sa pagtaya ng mga awtoridad, umaabot sa hanggang 30 tahanan ang natupok sa naturang sunog, habang hindi pa batid ang halaga ng mga ari-arian na naabo sa nasawing sunog.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na umabot sa ikaapat na alarma.
- Latest