124 senior citizens, bilang bantay estudyante

MANILA, Philippines - Upang matulungan ang mga senior citizen na magkaroon pa rin ng pagkakataon na kumita para sa pamilya, isinailalim sa pagsasanay at binigyan ng trabaho bilang mga  traffic aides  ng pamahalaang lokal ng Valenzuela ang higit 100 matatanda sa lungsod.

Binuo ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang bagong ‘traffic task force Bantay Estudyante’ na binubuo ng mga senior­ citizens na tututok sa daloy ng trapiko sa mga paaralan at tutulong sa mga elementary pupils at high school students sa pagtawid.

Aabot sa 124 senior citizens ang isinailalim sa tatlong araw na pagsasanay sa traffic management at first aide rescue procedures na isinagawa ng Valenzuela City External Services Office (CESO).

Ang mga pawang pumasa lamang sa health screening o medical at physical exams ang nagpatuloy sa pagsasanay makaraang matiyak na kaya pa ng kanilang mga katawan ang pagta­trabaho.

Nitong Hunyo 30, iti­na­­laga na ang mga senior citizen na traffic aides sa kanilang mga puwesto malapit sa mga paaralan.

Kinakailangang makumpleto nito ang kanilang mga oras mula pagbubukas at pagsasara ng klase.  Nakatitiyak naman na makakayanan ng mga senior citizen ang oras ng trabaho dahil sa ipatu­tupad na “shifting sche­dule”.

Show comments