Sa Makati isinagawa ang initiation, 1 suspect sa hazing sumuko na

Si Vice President Jejomar Binay sa kanyang pagbisita sa burol ni Guillo Cesar Servando na nasawi sa hazing. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines - Sumuko na sa  Manila Police District ang isa sa 11 suspek sa naganap na hazing na ikinamatay ng  De La Salle-College of Saint. Benilde sophomore na si Guillo Cesar Servando.

Ayon kay Chief Insp. Erwin Margarejo, hepe ng  MPD-PIO hindi muna ibinunyag ang pangalan ng suspek para na rin sa seguridad nito.

Sa paglutang ng isa sa suspect, nabatid din na hindi sa Maynila kundi sa Makati City isinagawa ang hazing.

Dahil dito, nakatakdang i-turn over ng Manila Police sa Makati police ang kaso maging ang sumukong suspect.

Nabatid sa isinagawang pagtatapat ng lumu­tang na suspect na sa isang bahay sa Pa­lanan, Makati nangyari ang hazing­.

Ang suspek ay miyembro rin ng Tau Gamma Phi Fraternity at caretaker  ng nasabing bahay.

Inihahanda na rin ng  MPD ang mga kinakaila­ngang dokumento at handa  pa rin silang makipagtulungan sa Makati Police kung kinakailangan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Lumilitaw na nag-taxi  lamang ang apat na biktima mula sa Makati at hindi gumamit ng sasak­yang Honda CRV tulad ng unang naiulat.

Posible umanong nais na lituhin ang imbestigas­yon ng pulisya.

Samantala, bago ang pagsuko, ikinokonsidera na ng MPD na suspek sina Trex Garcia at Hans Tamaring matapos na positibo itong ituro ng isa sa mga biktima sa kuha ng CCTV ng One Archer’s Place.

Sina Garcia  at Tama­ring ay kinilala ni John Paul Raval, anak ng  may-ari ng  Unit 2907 sa 29th floor na si Ret. General Emmanuel  Raval  ay humihila kay Guillo Cesar Servando.

Sinabi naman ni  MPD Homicide chief, Sr. Insp. Steve Casimiro na  bineberipika pa rin nila kung totoong pangalan ito ng mga suspek. Pawang mga alyas lamang ng mga suspek  ang kanilang nakalap.

Bukod kina Garcia at Tamaring, bineberipika  pa rin nila ang mga  alyas Aircon at Pope. Aniya ang mga pangalang ito lamang ang  nare-recall ng mga biktima na papasok pa lamang  sa grupo.

Ayaw din umanong magbigay ng De La Salle-College of Saint Benilde  ng listahan ng mga estud­yante upang malaman kung ang 11 tinutukoy na suspek ay pawang  kanila ngang estudyante.

Sinabi umano ni Aurelio Servando, ama ng na­sawing si Guillo na tiwala naman siya sa imbestigasyon ng MPD  kasabay ng pagbibigay ng katiyakan na makikipagtulungan sila sa  ikalulutas ng  kaso.

Samantala, magsasagawana rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation hinggil sa bagong insidente ng hazing.

Napag-alamang inutos ni Justice Secretary Leila de Lima kay NBI Director Atty. Virgilio Mendez na  makipagtulungan sa  MPD na magsagawa ng malalimang imbesti­gasyon. Ang unit ng Death Investigation Division ng NBI naman ang tututok sa kaso.

Sa isinagawang post-mortem examination kay Servando, “traumatic injuries trunk and lower extremities” ang kanyang ikinamatay.

Show comments