Construction worker kinatay dahil sa P14 utang sa tong-its

MANILA, Philippines - Nilaslas ang leeg at tinadtad­ ng saksak ang katawan ng isang 34-anyos na construc­tion worker, habang na­tu­­­­tulog sa barracks na pi­na­ni­niwalaang resbak ng kan­­yang ka-trabaho kaugnay sa hindi pagbabayad ng P14 sa larong tong-its, sa Tondo, Manila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Benjamin Pangan Jr., ng 7 San Miguel Ridge, Marulas Va­lenzula City, habang mabilis namang tumakas matapos isagawa ang krimen ng suspek na nakilala sa alyas Amay.

Sa ulat ni SPO1 Richard Escarlan, ng MPD-Homicide  Section, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang pa­nanaksak sa barracks ng mga manggagawa sa ginagawang gusali sa Wagas St., Tondo.

Nabatid sa imbestigas­yon na habang nag-iinuman ang mga construction worker­ ay naglaro rin sila ng tong-its. Natapos ang laro na hindi umano binayaran ng biktima ng P14 ang suspek hanggang sa natulog ito na lingid sa kaniya ay may galit ang huli.

Nang makatulog sinaman­tala ng suspek na pagsasaksakin ang biktima. Nilaslas ang leeg nito saka pinag-uunda­yan ng saksak sa dibdib at sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima na agad nitong ikinasawi.

Nabatid na kaibigan at madalas kabiruan ng biktima ang suspek kahit sa oras umano ng trabaho kaya hindi akalain na sa simpleng bagay ay mapapatay ang biktima.

Inaalam din kung may iba pang motibo o dahilan ang pagpatay ng suspek sa biktima, na maaring mas malalim pa kaysa sa P14 na utang sa tong-its.

 

Show comments