MANILA, Philippines - Dahil sa maraming hindi sumusunod, kinalampag kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga local government units (LGUs) ukol sa mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation scheme sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ni MMDA General Manager Corazon Jimenez, panahon na upang itulak ng mga lokal na pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad sa waste segregation scheme kung nais ng mga ito na manatiling malinis at hindi tumambak ang bulto-bultong basura sa kanilang nasasakupan na isa mga pangunahing problema nang pagbaha dahil nababarahan ang mga daluyan ng tubig ng Kalakhang Maynila.
Ayon sa MMDA, napansin nila na marami ang hindi sumusunod sa waste segregation scheme na kung saan ihihiwalay ang mga nabubulok sa hindi nabubulok na mga basura.
Dahil dito, ayon kay Jimenez, kailangan gumawa ng kanilang sariling hakbang ang mga lokal na pamahalaan upang maipatupad ng mahigpit ang tamang pagtatapon ng basura.
Tinukoy ni Jimenez sa Quezon City na may umiiral na ordinansang “no segregation, no collection.”
Sinabi pa ni Jimenez, na kailangan nang ganap na maisakatuparan ang R.A. 9003 o Eco Solid Waste Management Act dahil malaki ang maitutulong nito hindi lamang upang mapanatili ang kalinisan sa kapaligiran kundi higit sa lahat upang maibsan pa ang malawakang pagbaha sa Metro Manila.