Bangkay sa Fortuner, kilala na

MANILA, Philippines - Kilala na ng pulisya ang bangkay ng isang lalaki na natagpuan sa loob ng isang kulay itim na Toyota Fortuner na iniwang naka­parada sa isang kalye sa Parañaque City noong Linggo ng hapon (Hunyo 29).

Siya ay si Joseph Ang, 52, nanunuluyan sa Resort World sa Pasay City at nakilala sa pamamagitan ng  mga nakuhang identification card (ID) sa loob  ng  kulay itim na Fortuner (KAR-80).

Lalung tumibay na ang biktima nga ay si Ang matapos itong positibong kila­lanin ng kanyang asawa at mga anak nang magtungo ang mga ito sa Peoples Funeral Homes sa Canayan Avenue Las Piñas City dahil sa pangangatawan at suot nitong damit.

Ayon kay Senior Supt. Ariel Andrade, hepe ng Pa­rañaque City Police, base sa pahayag ng asawa ng biktima nabatid na laging nananatili ang kanyang asawa sa tinitirhan nitong condomi­nium sa Resort World dahil sa mga negosyo nito sa nasabing lugar.

Nabatid pa kay Andrade, ang sasakyan kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima ay hiniram lamang nito sa anak. Matatandaan na  napansin ng mga bystan­ders ang nakaparadang kulay itim na Toyota Fortuner sa kahabaan ng Dr. A Santos Avenue, Brgy. San Dionisio, Parañaque City  alas-2:30 ng hapon.

Ayon sa pulisya nakagapos nang patalikod ang mga kamay at nakatali rin ang mga paa sa pamamagitan ng packaging tape ang biktima ng ito ay matagpuan.

Bukod pa rito nagtamo rin ito ng mga pasa sa mukha at katawan. Sinabi pa ni Andrade sinisilip rin ang anggulong may kinalaman sa negosyo ang posibleng da­­hilan ng ginawang pagpas­lang sa biktima.

Aniya makikipag ugna­yan na rin sila sa Resort World sa posibleng mga lead sa kaso.  Bukod pa dito patuloy din ina­alam ng mga awtoridad kung mayroon nakalagay na close circuit television (CCTV) ca­mera sa nasabing lugar upang makilala ang mga salarin.

 

Show comments