Snatcher itinumba ng vigilante

MANILA, Philippines - Bulagta ang isang uma­no’y snatcher­ makaraang pagba­barilin ng hini­hinalang vigilante matapos hablutin ang bag ng isang babaeng pasahero sa  jeep sa Brgy.Talipapa, Quezon City kamakalawa ng gabi. 

Kinilala ang nasawi na si Manuelito Hitongo, 28, ng Bagbag, Novaliches. 

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Station 3 naganap ang in­sidente sa kahabaan ng Quirino Highway malapit sa kanto ng Mindanao Avenue,Talipapa, dakong alas-7:30 ng gabi. 

Ayon kay   SPO1 Edwin dela Cruz, may hawak ng kaso na sakay ng isang pampasaherong jeep patungong Novaliches Bayan ang biktimang si Sherly Maralpes ng Caloocan City  nang hablutin umano ng suspek na si Hitongo ang bag ng una.

Nanlaban ang biktimang si Maralpes at nakipag­hilahan sa suspek sa kanyang bag nang biglang  dumating ang isang hindi kilalang suspek at sinigawan ang suspek na si Hitongo.

Dahilan para bitiwan ng suspect ang pagkakahawak sa bag ng biktima saka nagtangkang tumakas subalit binaril ito ng lalaking nanita na ikinasawi nito.

Matapos ang pamamaril tumakas ang hindi naki­kilalang lalaki sakay ng isang hindi naplakahang motorsiklo.

 

Show comments