Declogging operation sa Makati City, hiling doblehin
MANILA, Philippines - Umapela ang pamahalaang lungsod ng Makati sa mga ahensiya ng pamahalaan na may hurisdiksiyon sa flood control na doblehin aniya ang declogging operation nito upang maibsan ang mabilis na pagbaha sa maraming lugar dito.
Ang apila ay bunsod sa nangyaring pagbaha sa ilang pangunahing lansangan ng lungsod, partikular sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue; Osmeña Highway, na mga itinuring na national road; Dela Rosa St., Pasong Tamo at lahat ng lansangan ng Barangay Pio Del Pilar noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa Makati City government, ang national government ang may hurisdiksiyon at may pananagutan sa mga national road at hindi ang local government unit (LGU).
Ang hurisdiksiyon lamang aniya ay ang mga secondary road, subalit naapektuhan ang secondary road ng mataas na tubig baha dahil nagmumula ito sa national road na may matinding problema sa drainage system.
Ang ganitong problema ay nagsimula pa 1970’s hanggang sa kasalukuyang taon pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nabibigyang solusyon.
Magugunitang noong nakalipas na Huwebes ay libong motorista at mga mananakay ang na-stranded dahil sa matinding trapik na kanilang naranasan makaraang magmistulang dagat ang kahabaan ng Gil Puyat Avenue at Osmeña Highway dulot nang malakas na pag-ulan.
- Latest