Obrero nanapak, ginantihan ng saksak

MANILA, Philippines - Utas ang isang factory worker makaraang pagsasaksakin ng kanyang nakainuman na una niyang sinapak, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Hindi na naisugod sa pagamutan sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Ronaldo Cinco, residente ng San Vicente Ferrer, Camarin, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang suspek na nakilalang si Henry Magtanao, ng Guyabano St., Camarin, ng naturang lungsod. Dala nito ang patalim na ginamit sa pamamaslang.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi nang magkapikunan sina Cinco at Magtanao na nag-iinuman sa may Lapu-Lapu Extension sa Camarin.  Nangungulit umano si Magtanao hanggang sa dalawang beses na sapakin ng biktimang si Cinco. Armado pala ng patalim ang suspek na sa halip na suntok ang iganti ay sunud-sunod na unday ng saksak ang itinarak sa biktima saka mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Show comments