MANILA, Philippines - Hindi na umabot sa korte para tumestigo laban sa pumatay umano sa kanyang kapatid ang isang 17-anyos na binatilyo makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang ang una ay sakay ng isang pampasaherong jeepney kasama ang kanyang nanay sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Si Miguel Garcia, ng Mariposa St., Brgy Gulod ay nagawa pang maitakbo sa ospital, pero idineklara rin itong dead-on-arrival, ayon sa Quezon City Police Station 3.
Si Garcia ay tinambangan sa harap ng kanyang nanay na si Estrelita Garcia, habang sakay ng isang pampasaherong jeepney sa panulukan ng J.P. Ramoy, corner Quirino Highway, Brgy. Talipapa, ganap na alas-9:15 ng umaga.
Sa inisyal na impormasyon ng pulisya, papunta ang biktima sa korte sa Caloocan City para tumestigo laban sa isang pulis na umano’y pumatay sa kanyang kapatid.
Habang bumibiyahe ay doon sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang mga suspek at pinagbabaril ang biktima.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek, habang ang bikÂtima naman ay isinugod sa Bernardino hospital pero idineklara rin itong dead-on-arrival.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.