Hostage drama: Abogado, sekyu utas

Naglupasay ang kapatid ng hostage-taker na si Charliemaine Aton makaraang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril sa loob ng gusali matapos ang ginawang pangho-hostage, habang mabilis namang inilabas ng mga awtoridad sa loob ng gusali para dalhin sa pagamutan ang biktimang si Atty. Solomon Condonuevo na binaril sa ulo ng suspect. Kuha ni BERNARDO BATUIGAS  

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang isang abogado at ang isang security guard sa isang hostage-taking in­cident na naganap sa loob ng pinapasukan nilang gusali sa Balonbato, San Juan City na tumagal ng mahigit 10-oras.

Dakong alas-8:00 ng umaga kahapon nang masawi sa San Juan Me­dical Center ang biktimang si Atty. Solomon Condonuevo, 67, ng San Juan City, bunsod ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.

Samantala, patay din ang suspek na si Charliemaine Aton, 35, security guard ng Golden Knight Agency matapos na magbaril sa sarili bago pa man masukol ng mga awtoridad.

Batay sa ulat ng San Juan City Police, na pinamumunuan ni P/Senior Supt. Joselito Daniel, nag­simula ang pangho-hostage pasado alas-9:00 ng gabi ng Lunes matapos na bihagin ni Aton ang abogado sa loob ng Optima Building na matatagpuan sa N. Domingo St. nang magkasagutan ang dalawa dahil sa nawawalang susi.

Sinubukan ng mga awtoridad na kumbinsihin ang suspek na sumuko at huwag saktan ang kanyang biktima ngunit nabigo ang negosasyon na umabot ng hanggang alas-7:35 ng umaga ng Martes.

Mismong ang kapatid at pinsan na ng suspek ang nakipag-usap sa kanya para sumuko ngunit nang makita umano nito na maraming tao ang nakapaligid sa gusali ay binaril nito sa ulo ang bihag.

Dito na pwersahang pinasok ng SWAT team ang gusali at nagkagulo ngunit bago pa man masukol ang suspek ay nagbaril na ito sa sarili na kaagad nitong ikinasawi.

Isang miyembro pa umano ng SWAT team ang nasugatan din sa insidente.

Sinasabing naburyong ang suspek na dumaraan umano sa patung-patong na problema sa trabaho at kanyang nobya.

Naniniwala naman si P/Senior Insp. Melchor Rosales, deputy chief of police ng San Juan, na posib­leng wala na sa tamang pag-iisip ang suspek dahil humiling pa umano ito sa kanila na makausap si US President Barack Obama, si Pangu­long Noynoy Aquino at kanyang dating nobya.

Nahirapan din aniya silang­ makipag-negosas­yon sa hostage taker dahil pabagu-bago ang isip nito bukod pa sa nagkulong ito kasama ang bihag sa loob ng gusali.

Show comments