6 na sasakyan nagkarambola sa QC

MANILA, Philippines - Nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa north-bound lane ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) malapit sa Muñoz Market sa Quezon City matapos na magkarambola ang anim na behikulo nitong Sabado ng madaling-araw.

Ayon kay Supt. Ely Pintang, hepe ng Quezon City Police District-District Traffic Enforcement Unit (QCPD-DTEU), naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa Dario Bridge/EDSA.

Kabilang sa mga nagbanggaang behikulo ay isang Mitsubishi Montero, isang taxi, isang mini bus, SUV, Toyota Highlander at Toyota Revo.

Base sa inisyal na imbestigasyon, kasalu­kuyang minamaneho ni Hanz Go, 23, ang kanyang Mitsubishi Montero (JG-022) sa kahabaan ng north-bound lane ng EDSA patungong Balintawak, Quezon City nang may tumawid na lalaki na iniwasan nito. 

Bunsod nito ay nahagip ng Montero ang isang  tourist bus (RNB 494 ) na minamaneho ni Enrico Mendoza, 46, ng Bulacan.

Samantala, nadamay din sa karambola ang apat pang behikulo na kinabibilangan ng R&E taxi, isang Mazda SUV, isang Toyota Highlander at isang Toyota Revo.

Ayon sa opisyal, wala namang nasawi sa insidente pero nagdulot ang karambola ng pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa na­sabing lugar.

“Naantala ang traffic sa area pero after one hour, nag-normalize naman ang daloy ng mga sasakyan,” dagdag pa ni Pintang.

 

Show comments