MANILA, Philippines - Ipinabitbit sa mga awtoridad ang isang 38-anyos na Korean national nang ireklamo ng may-ari ng internet café sa pagwawala, makaraang itaboy dahil sa pangungulit na manghingi ng pera sa mga kababayan niyang Koreano na kliyente ng internet shop sa Malate, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Manila Police District-General Assignment Section ang suspek na kinilalang si An Byon Ju, tubong-Seoul, Korea at umano’y palaboy sa erya ng Malate.
Sa salaysay ng complainant na si Kristina Aquino, 30, may-ari ng Internet Digital X-Zone 3 Internet Café sa Malate, bandang alas-5:00 ng hapon kamakalawa ay halos patulan na umano ng mga kliyente ng internet café ang suspek, partikular ng kapwa niya Koreano dahil sa sapilitang panghihingi ng pera.
Maging ang mga kalapit na establisimento umano ng internet café ay nagagalit na rin sa pagiging pasaway ng suspek.
Napilitan umanong itaboy ni Aquino ang suspek dahil naiistorbo ang mga parukyano nila subalit nagwala ito at tinadyakan ang pintuan ng shop at nang nasa labas na ay binunot umano ang kutsilyo mula sa bulsa at iniamba kay Aquino.
Nagmadaling pumasok sa internet shop ang ginang at tinawagan ang nakakasakop na barangay.
Binitbit naman ang suspek sa himpilan ng pulisya ng mga rumespondeng barangay tanod at opisyal ng barangay.