Kelot itinumba ng 3 armado

MANILA, Philippines - Sampung tama ng bala sa buong katawan ang tumapos sa buhay ng isang 46-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng tatlong kalalakihan sa harap ng isang tindahan sa lungsod Quezon, kahapon ng ma­daling-araw.

Si Joselito Claveria, ng Brgy. Batasan Hills, ay agad na nasawi sa lugar matapos ang naturang pamamaril, ayon kay PO3 Erickson Isidro­, may-hawak ng kaso.

Nangyari ang insidente sa   harap ng De Asis store na matatagpuan sa Muñoz St., Area B, Talanay, Brgy. Batasan Hills, ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.

Ayon kay Jerry Olave, habang bumibili siya ng sigarilyo sa tindahan, lumapit sa kanya ang biktima at nanghingi ng isang stick ng sigarilyo.

Kasunod nito, biglang dumating ang mga suspek na pawang mga armado ng baril at nilapitan ang biktima saka ito pinagbabaril hanggang sa mapatay. Agad ding tumakas ang mga suspek makaraan ang pamamaril.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa crime scene ang may 10 basyo at tatlong tingga ng kalibre .9mm na baril na ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa biktima.

 

Show comments